May kakilala ba kayong inboluntaryong nawalan ng trabaho dahil nagsara o nagbawas ng tao ang kanilang pinapasukang kumpanya? O mga OFW na nakasama sa mga na-repatriate o napa-uwi dito sa bansa dahil sa kaguluhan sa kanilang lugar sa ibayong dagat?
Isa sa pitong benepisyong hatid ng SSS ay ang Unemployment Benefit. Ito ay cash allowance na ibinibigay sa mga employed, Overseas Filipino Workers (OFWs), pati na rin sa mga kasambahay na inboluntaryong natanggal sa trabaho. Halimbawa nito ay retrenchments, redundancy ng posisyon sa trabaho, downsizing ng mga empleyado, paghinto ng operasyon ng kumpanya dahil sa pandemya, pagkalugi, kalamidad o ano pa mang natural na dahilan.
Batid ng SSS ang hirap ng mawalan ng trabaho, kaya naman noong March 2019 ay ipinatupad ang programang ito bilang tulong pinansyal para sa mga apektadong miyembro.
Paano ba magqualify para ma-avail ang benepisyong ito? Una, hindi dapat hihigit sa 60 taon ang edad ng miyembro nang siya ay mawalan ng trabaho. Sa kaso ng underground o surface mineworker, ay dapat hindi hihigit sa 50 taong gulang. Para sa racehorse jockey ay 55 taong gulang pababa.
Ikalawa, hindi dapat bababa sa 36 buwan ang inihulog na kontribusyon, kung saan ang 12 rito ay nai-post sa loob ng 18 buwan bago ang buwan ng involuntary separation.
Halimbawa, kung ngayong Pebrero 2024 nawalan ng trabaho, dapat may 36 monthly contributions ang miyembro, 12 rito ay posted mula Agosto 2022 hanggang Enero 2024.
Ang ikatlong condition ay dapat wala siyang settled unemployment benefit sa loob ng tatlong taon bago ang date ng kanyang involuntary separation.
Online na ang submission ng Unemployment Benefit Application sa My.SSS Portal. Ibig sabihin nito, dapat ay may sariling account sa My.SSS Member Portal ang miyembro at may nakarehistrong disbursement account bago makapagpasa ng aplikasyon online.
Alinsunod sa inilabas na SSS Circular No. 2023-012, dapat i-confirm ng certifying employer gamit ang kanilang account sa My.SSS Employer Portal ang date at reason for involuntary separation. Ito ay dapat gawin sa loob ng seven (7) calendar days mula nang ipadala ng SSS ang notification sa kanilang email o inbox.
Pagkatapos ng online certification ng employer, ang member ay dapat mag-apply ng Electronic Certification of Involuntary Separation mula sa DOLE.
Ang lahat ng claim information na collected at validated online ng SSS ay magiging accessible kay DOLE para sa pagproseso nila ng Electronic Certification of Involuntary Separation.
Ang confirmation ng Electronic Certification of Involuntary Separation ng DOLE ay ituturing na final step para sa pagbabayad ng benefit claim.
Ang halaga ng Unemployment Benefit ay katumbas ng dalawang buwan na 50% ng Average Monthly Salary Credit (AMSC). Halimbawa, kung ang isang miyembro ay may AMSC na P20,000, makakatanggap siya ng Unemployment Benefit na nagkakahalaga ng P20,000 para sa dalawang buwan.
Isang beses lamang maaaring i-claim sa loob ng tatlong taon ang unemployment benefit. Subalit, binibigyan ng isang taong palugit ang isang miyembro para i-file ang aplikasyon.
Tandaan lamang na ang Unemployment Benefit ay hindi applicable sa employed members na nag-resign sa trabaho o nahiwalay sa trabaho dahil kinasuhan ng kumpanya o employer ng serious misconduct, willfull disobedience to lawful orders, gross at habitual neglect of duties, fraud at willful breach ng trust o loss of confidence, pagsasagawa ng krimen o offense, at iba pang kahalintulad na kaso kaya ng abandonment, gross inefficiency, disloyalty, conflict of interest at dishonesty.
Kung may karagdagang katanungan tungkol sa benepisyong ito, maaari kayong magsadya sa pinakamalapit na Public Assistance Desk na matatagpuan sa iba’t-ibang sangay ng SSS. O kaya naman bisitahin ang USSSap Tayo Portal sa crms.sss.gov.ph, official social media accounts ng SSS – SSSPh sa Facebook, PHLSSS sa Twitter, MYSSSPH sa Instagram, Tiktok at YouTube, at MYSSSPH UPDATES sa Viber Community.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.