Halos dalawang linggo na ang nakararaan mula nang magsalita si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address o SONA. Nabanggit niya na isa ang SSS sa mga nangungunang government agencies na may pinakamaraming natatanggap na reklamo sa pamamagitan ng Hotline 8888 – ang sumbungan hotline na binuksan ng administrasyong Duterte.
Nauunawaan namin ang pagkadismaya ni Pangulong Duterte sa mga nangyayari. Katulad ng ating pangulo, wala rin hinangad ang SSS kundi pagsilbihan nang mabuti ang higit 35 milyong miyembro nito.
Sa katunayan, kinilala ng “Linya ng Pagbabago”, isang programang pinatatakbo ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang aming pagsusumikap para bigyan ng agarang aksyon ang mga rekalmong idinulog sa Hotline 8888. Kaya’t noong 2018, nakatanggap ng pagkilala ang SSS bilang 2nd Best Agency in Resolution of 8888 Complaints. Ang nasabing programa ang naatasang ipakita sa publiko kung ano ang mga iba’t-ibang kasong idinudulog sa Hotline 8888 at kung paano ito tinugunan ng bawat ahensya ng gobyerno. Ayon sa kanila, 99.01% ang resolution rate ng SSS, ibig sabihin, 9 sa sampung reklamo ay agarang natutugunan o nareresolba.
Bumaba rin ng 43.69% ang natatanggap na kaso mula sa Hotline 8888. Mula sa 10,885 na reklamo noong 2017 ay naging 6,129 nalang ito ng sumunod na taon. Hindi rin puro reklamo ang natatanggap ng Hotline 8888, marami rin dito ay mga katanungan at paglilinaw tungkol sa kanilang SSS membership.
Ilan lamang sa mga nangungunang kaso sa Hotline 8888 ay tungkol sa SSS retirement, death, disability at funeral (42%), member loans (16.09%), at contributions (13.22%). Samantala, ang natitirang bilang ay tungkol sa iba’t-ibang paksa tulad ng Real-Time Posting of Contribution Payments (RTPC), pagme-miyembro sa SSS, sickness/maternity/Employees’ Compensation benefits, website/online related at iba pa.
====
Patuloy ang SSS sa paghahanap ng mga solusyon kung paano pa mapapabilis, mapapagaan, at mapapaganda ang transaksyon sa SSS.
Dati ko nang nabanggit sa mga naunang kolum ang tungkol sa planong digitalization ng SSS. Sa ngayon, may anim na electronic channels kung saan makakakonekta ang ating mga miyembro sa SSS kahit ano mang oras o kahit saan man sila naroroon. Para ma-access ang inyong SSS rekords, nandyan ang My.SSS website, SSS mobile App, Text-SSS, at Self-Service Express Terminal na makikita sa piling SSS branches at ang Interactive Voice Response System o IVRS.
Maaaring isagawa sa mga channels na ito ang pag-file ng Retirement Claim Application, Branch Appointment Request, Locator ng pinakamalapit na SSS branch, pagsumite ng feedback, SSS PESO Fund at Flexi-Fund enrollment, at pag-request ng SSS records.
Iba pang serbsiyo na maaari ng gawin sa electronic at self-service facilities ay online application of Social Security (SS) number, pagkuha ng Payment Reference Number (PRN), pagsusumite ng employment report, pagsusumite ng contribution list o R-3 at loan collection list o ML-2, aplikasyon ng salary loan, sertipikasyon sa salary loan, gayundin ang pagsusumite ng notipikasyon para sa pagkakasakit at pagbubuntis.
Ngayong ikatlong bahagi ng 2019, maglalagay ang SSS ng karagdagang E-centers sa mga sangay nito sa buong bansa. Ang pasilidad na ito ay nasa isang sulok ng branch kung saan ang members at employers ay maaaring makipag-transact ng deretcho sa mga dedicated PC workstations. Maaari silang magtanong tungkol sa membership, coverage, contributions, at benepisyo. Maaari ring mag-follow up ng status ng loan at benefit application. Makatatanggap sila ng real-time response kung gagamit sila nito.
Nais maisakatuparan ng SSS ang mga planong ito upang mas mapablis at mas mapadali ang pagbibigay ng serbisyo sa aming mga miyembro.
====
Nais naming ipaalam sa aming mga pensioners na bukas po ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pinansyal. Inaanyayahan namin ang aming mga pensiyonado na nais mag-avail ng PLP na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
====
Speaking of pensioners, aabot sa P62.19 bilyon ang halaga ng pensyon ang naibigay ng SSS sa ating mga pensyonado mula Enero hanggang Mayo 2019. Kung ikukumpara ito sa kaprehong panahon noong 2018, tumaas ito ng P4.84 bilyon.
Nangangahulugan lamang na tumaas ang bilang ng mga pensyonado ng SSS. Kung pagbabatayan natin ang datos nitong Mayo 2019, nasa 2.5 milyon na ang pensyonado ng SSS. Samantalang nasa 2.4 milyon lamang ang SSS pensioners noong Mayo 2018.
Ang pensyon na matatanggap ng isang retiree pensioner ay batay sa monthly salary credit (MSC) at sa credited years of service (CYS). Kung mas mataas ang MSC at mas matagal nang nagbabayad ng kontribusyon ang miyembro, mas mataas ang kanilang matatanggap na pensyon.
Sa kasalukuyan, ang pinakamataas na pensyon na ibinibigay sa isang pensioner ay P18,945 samantalang ang pinakamababa ay P2,000. Kasama na rito ang karagdagang P1,000 pensyon.
=====
Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.