Dear SSS,
Ako po ay isang self-employed member. Naghuhulog ako ng SSS contribution kada buwan. Nais ko sanang mag-apply ng Salary Loan kaso nakita sa system na may matagal na akong utang na hindi pa nababayaran. Sa katagalan, lumobo na ang penalty ko na doble ng pinagsamang principal at interes. May narinig kasi ako tungkol sa programang SSS Conso Loan. Maaari niyo po bang ipaliwanang ito at baka makakatulong ito sa aking problema sa SSS loan?
Lubos na nagpapasalamat,
Randy, Baguio City
Magandang araw sa’yo, Randy. Tama ka, ang Consolidated Loan Program with Condonation of Penalty o Conso Loan ay inalok ng SSS noong pang September 2022. Continuing program ito ng SSS kaya wala itong deadline at patuloy kaming tumatanggap ng aplikasyon.
Nais naming linawin na hindi ito panibagong loan program ng SSS. Katulad din ito ng mga nagdaang condonation program na inilunsad ng SSS para matulungan ang mga katulad mo, Randy na mabayaran ang mga past-due short term member loans o hindi nabayarang utang sa nakalipas na tatlong buwan sa abot kayang paraan. Maituturing din na past-due kung may naiwan pang balance kahit tapos na ang loan term.
Kaya ito tinawag na Conso Loan dahil pagsasamahin ng SSS ang lahat ng past-due short term member loans gaya ng Salary, Salary Loan Early Renewal, Calamity Loan at Restructured loans sa nagdaang condonation programs ng SSS sa iisang account. Babayaran nito ang kabuuang loan principal at interest at matapos nito ay iaawas na ang naipong multa.
Sa tulong ng programang ito, malilinis na ang loan records ng miyembro at hindi na apektado ang benefit claims nito sa hinaharap. Tandaan natin na kapag may utang ang isang miyembro sa SSS ay ibabawas ito sa kabuuang halaga ng kanilang benepisyo kapag siya ay nagretiro o mamatay.
Bukod sa nabanggit na kwalipikasyon, dapat ay masunod din ang mga sumusunod na qualifications: (1) Kinakailangan na ang past-due loan account o accounts ay pasok sa panahon ng Consolidated Loan application, (2) hindi pa tumatanggap ng anumang final claim ang miyembro tulad ng permanent total disability o retirement benefit, (3) walang kaso ng paglilinlang o fraud laban sa SSS at (4) may aktibong My.SSS account.
May dalawang pamamaraan para mabayaran ang pagkaka-utang sa ilalim ng Conso Loan program, depende sa halaga ng babayaran. Maaaring one-time payment o installment plan.Kung one-time payment, dapat ay mabayaran nang buo ang consolidated loan sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval ng Conso Loan application. One-time payment din ang pagbabayad kung ang Conso Loan ay P5,000.00 o mas mababa pa.
Para sa mga nais ng installment plan, kailangan munang bayaran ang hindi bababa sa 10% ng Conso Loan amount sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval. Samantala, ang natitirang balanse ay babayaran kada buwan. Ang halaga ng bayarin kada buwan ay nakabase sa kabuuang consolidated loan amount. Halimbawa, kung higit ito sa P5,000 hanggang P10,000, babayaran ito sa loob ng anim buwan; P10,001 hanggang P18,000 ay babayaran sa loob ng 12 buwan; P18,001 hanggang P36,000 ay babayaran sa loob 24 buwan; P36,001 hanggang P54,000 ay babayaran ng 36 buwan; P54,001 hanggang P72,000 ay babayaran sa loob ng 48 buwan at kung higit sa P72,000 ay babayaran sa loob ng 60 buwan o limang taon.
Para sa mga pumili ng installment plan, tandaan na may ipinapataw na 10% interest rate kada taon ang SSS. Siguraduhin lamang na sundin ang itinakdang payment schedule. May ipinapataw kasi na 1% penalty kada buwan kapag nahuhuli sa pagbabayad. Kung natapos ang payment term at may natitira pang balanse sa Conso Loan Account ng miyembro, magkakaroon muli ng panibagong interes at penalty. Anumang naiwang halaga ay ibabawas sa mga darating na SSS short-terms benefit proceeds gaya ng sickness, maternity, at partial disability at final benefit tulad ng retirement, disability o death.
Online ang aplikasyon ng Conso Loan gamit ang My.SSS account ng miyembro. At dahil online, malaking tipid ito sa oras at pera ng aplikante.
Kaya naman sa mga may past-due short term loans, ito na ang pagkakataon ninyong linisin ang inyong record sa inyong loan account sa SSS. Muli, buong buo niyong makukuha ang benepisyo kung wala kayong maiiwang utang sa SSS.
Kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.