Sa pagnanais na mabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka at mangingisda at iba pang manggagawa na kabilang sa informal economy na makapagbayad ng kanilang kontribusyon, pinalawig ng SSS ang contribution payment deadline para sa mga ito.
Sa kasalukuyang payment schedule, ang maaari na lamang mabayaran ngayong Disyembre 2023 ay kontribusyon mula Oktubre 2023 hanggang Disyembre 2023 o huling quarter ng taon. Subalit, para sa mga magsasaka, mangingisda, tricycle driver, market vendor at iba pang self-employed member na kabilang sa informal economy, pinapayagan ng SSS na mabayaran ang kanilang kontribusyon sa huling labindalawang buwan mula sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, ngayong buwan ng Disyembre 2023, maaari pa nilang mabayaran ang kanilang kontribusyon mula Disyembre 2022 hanggang Nobyembre 2023.
Batid ng SSS na ang mga manggagawa na buwanan o “seasonal” lamang ang kita ay hindi makapagbabayad ng kanilang kontribusyon sa kasalukuyang payment schedule dahil hindi regular ang kanilang kita. Tulad na lamang ng mga magsasaka, dalawa o tatlong beses lamang sa isang taon sila nagkakaroon ng kita, gayundin ang mga mangingisda. Ito rin ang dahilan sa tuluyang hindi nila pagbabayad ng kontribusyon sa SSS. Kaya naman sa pamamagitan ng flexible payment schedule, mabibigyan na ng pagkakataong makapagbayad ng kanilang kontribusyon ang mga manggagawa sa informal economy.
Ipinaalala rin ng SSS na mahalagang kumpleto o may sapat na kontribusyon ang self-employed members upang maging qualified sila sa pagtanggap ng social security benefits tulad ng sickness, maternity, disability, retirement, death at funeral. May dagdag Employees’ Compensation (EC) benefit din na matatanggap kung sila ay nagkasakit, nabalda o mamatay habang nagta-trabaho o naghahanapbuhay. Maaari rin silang makapag-avail ng salary at calamity loan.
Kaya naman sa mga magsasaka, mangingisda at mga self-employed na kabilang sa informal economy, siguraduhin na “self-employed” ang membership category sa inyong SSS records upang mag-qualify sa flexible payment schedule. Para sa mga nais mag-update ng records bilang isang self-employed, maaari kayong magsadya sa pinakamalapit na sangay ng SSS at mag-fill out ng Member Data Change Request.
Makipag-ugnayan din sa inyong barangay at baka isa ang inyong lugar sa bibisitahin ng SSS eWheels para matulungan kayo sa inyong transaksyon sa SSS.
Sa pagkakatong ito, nais naming batiin ang lahat ng Manigong Bagong Taon! Salamat sa pagsama at pagtangkilik ninyo sa ating kolum sa buong taon ng 2023. Nawa’y ipagpatuloy po ninyo ang pagsuporta sa ating pitak sa bagong taong darating.
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa SSS, tutok na sa uSSSapang SSS sa K-Lite 96.7 tuwing Lunes, alas-otso hanggang alas-nuebe ng umaga. At kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.