Dear SSS,
Bagong pasok lamang na kasambahay ang aking nanay at dalawang nakatatandang kapatid sa isang pamilya dito sa lungsod. Nabanggit ko sa kanila na dapat ay bayaran ng kanilang amo ang kanilang SSS bilang sila ay sinasahuran at tinuturing na empleyado. Tama po ba ang aking sinabi sa kanila? Salamat po. – Marites, Baguio City
Magandang araw sa’yo, Marites. Tama ang iyong nabanggit. Sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, covered ng SSS ang mga kasambahay na hindi pa higit 60 years old.
Dapat ay sa unang araw ng kanilang pagtatrabaho bilang kasambahay ay saklaw na sila ng programang ito. Samantala, tinukoy naman sa Republic Act 10362 o Batas Kasambahay na ang mga kasambahay ay sinumang gumagawa ng trabahong pantahanan tulad ng pagya-yaya, pagluluto, paglalaba, pag-aalaga sa hardin at iba pa. Subalit, hindi kasama sa kategoryang ito ang sinuman na paminsan minsan lamang ginagawa ang mga trabahong nabanggit.
Dahil kumpirmado na covered ng SSS ang mga Kasambahay, ano na ngayon ang gagawin ng mga Kasambahay at kanilang employers?
Para mabayaran ang kontribusyon ng mga kasambahay, kinakailangan na kumuha muna sila ng kanilang Social Security (SS) number sa pamamagitan ng My.SSS Portal. Hindi na kailangan kumuha ng bagong numero ang mga may dati ng SS number. Ang numerong ito ang siyang ipapakita o ibibigay niya sa kaniyang Household Employer.
Base sa Kasambahay Law o Republic Act No. 10361, mabibigyan ng SSS, Pag-IBIG, at PhilHealth benefits ang isang kasambahay na nakapagbigay ng serbisyo ng kahit isang buwan. Para makuha ang mga social security benefits na ito, kailangan niyang punan ang PPS-KUR form at isumite ito sa kahit alinman sa mga nabanggit na ahensya. Para sa SSS submission, kailangan din nilang ipakita ang isa sa mga primary documents gaya ng birth certificate, baptismal certificate, driver’s license at passport. Kung walang maipakitang isang primary document, maaari silang magpakita ng dalawang secondary documents na may nakalagay na araw ng kanilang kapanganakan gaya ng ATM card, bank account passbook, birth/baptismal Certificate ng mga anak, marriage contract, NBI Clearance, police clearance, posti ID card, voter’s ID/ affidavit, school records, at IDs na issued ng Local Government Unit (LGU).
Gaya ng isang employed member, makatatanggap ng SS benefits ang mga kasambahay gaya ng Sickness, Maternity, Disability, Unemployment, Retirement, Funeral, at Death Benefits. Kung sila ay nagkasakit, nabalada o namatay habang ginagampanan ang kanilang trabaho, sila ay maaari pang makatanggap ng karagdagang benepisyo sa Employees’ Compensation Commission (ECC).
Pagdating sa halaga ng kontribusyon, dapat ay naaayon ito sa minimum wage. Kung kumikita ang kasambahay ng mas mababa sa P5,000 kada buwan, sasagutin ng kaniyang Household Employer ang buong monthly contribution nito. Kung kumikita naman sila ng P5,000 o higit pa kada buwan, ibabawas ang kaukulang share ng kasambahay mula sa kanilang sweldo at ireremit ito nang buo kasama ang share ng employer sa SSS.
Samantala, ang Household Employer naman ay kailangang magparehistro bilang Household Employer sa My.SSS. Punuan lamang nila ang Employer Registration Form (R1) at Employment Report Form (R1A) para mabigyan ng Employer Number. Ito ang gagamitin niya sa lahat ng transaksyon niya sa SSS kaugnay sa pagre-report at paghuhulog ng SSS contribution ng kanyang kasambahay. Kailangan din niyang punan ang PPS-HEUR1 at PPS-HEUR2 forms at isumite ito sa SSS o Philhealth o Pag-Ibig.
Sa susunod ay pag-usapan naman natin ang pamamaraan ng pagbabayad at pagrereport ng Household Employer ng SSS contribution ng kaniyang kasambahay. Iisa-isahin din natin ang bangko o payment centers kung saan maaring pagbayaran ng SS contribution. Abangan!
Kung may paksa o katanungan sa SSS na nais niyong pag-usapan, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph