Dear SSS,
Magdadalawang taon na po kaming kasal ng asawa ko. Member siya ng SSS at 53 years old na siya. Pinapatanong ng asawa ko kung kailangan pa bang i-update ang SSS records niya as married at idagdag ang mga anak namin as dependents? Dependent niya kasi sa ngayon ay ang kaniyang pamangkin. -Bea
Magandang araw sa’yo, Bea at salamat sa iyong pinadalang katanungan. Ang tanong mo ay una, kung kailangang bang i-update ang marital status ng iyong asawa sa SSS at pangalawa, kung kailangan bang idagdag bilang dependents ang inyong mga anak. Parehong oo ang sagot ko sa iyong mga katanungan.
Kinakailangang i-update ng mister mo ang kaniyang marital status sa SSS para malaman namin na siya ay may asawa na. Dapat na ring idagdag ang inyong mga anak sa list of beneficiaries. Ang mga impormasyong ito ay napakahalaga dahil ito ang magiging basehan ng SSS para matukoy ang mga primary beneficiaries ng iyong asawa—ikaw bilang legal spouse at iyong mga anak bilang dependent minor children. Siguruhin na updated ito para maiwasan ang anumang komplikasyon kung sakaling dumating na ang panahon na pumanaw na siya at kayo ang magpa-file ng benefit claim sa hinaharap.
Marahil ang susunod mong tanong ay kung paano mag-update ng record sa SSS. May dalawang paraan ngunit depende ito sa sa impormasyon na kailangan mong ipa-update. Maaaring online o over- the- counter ang pag-uupdate ng membership information.
Kung ang iuupdate o itatama ay ang inyong Mailing Address, Foreign Address kung mayroon man, Telephone Number, Mobile Number at E-Mail Address – maaring gawin ito sa inyong My.SSS account. Piliin lamang ang Member Info Tab at lalabas ang dropdown menu. Piliin doon kung anong mga impormasyon ang kailangan mong i-update. Subalit, kung wala pa ang mga nasabing mailing at contact details sa SSS records ng miyembro, kailangang mag-fill out ng SSS Form E-4 o Member Data Change Request Form at ipasa ito over-the-counter sa SSS branch.
Kung simple corrections lamang ang gagawin sa iyong records, maaari itong gawin online gamit ang iyong My.SSS Account. Sakop sa Simple Corrections ang (1) pagtatama sa pangalan tulad ng spelling mula “I” ay gagawing “E” o vice versa, correction ng isa o dalawang letra sa pangalan, o pagtatanggal o pagdadagdag ng space at special characters, (2) pagtatama ng prefix gaya ng “de”, “dela” delos”, “del”, at Ma. ay gagawing Maria at vice versa, pageencode ng middle name para makumpleto ang middle initial na nasa SSS records, (3) pagpapalit ng membership status mula “temporary” to “permanent”, (4) pagtatama ng pangalan dahil sa pagpapalit ng Civil Status mula single to married, at (5) pagtatama ng Gender mula “M” to “F” o vice versa.
Para sa Simple Corrections, mag-login sa My.SSS Account at i-click ang Services Tab. Piliin ang Membership Records at mula rito ay makikita na ang mga impormasyon na nais mong palitan. Huwag kalimutang mag-upload ng supporting documents tulad ng Birth Certificate o Marriage Certificates- orihinal o certified true copy na inilabas ng City o Municipal Civil Registrar o Philippine Statistics Authority. Tinatanggap din ang anumang ID o legal na dokumento mula sa ibang bansa basta’t nakasalin ito sa wikang English. Mabanggit ko na rin na kabilang na ang Philippine Identification Card (PhilID) sa listahan ng valid IDs na tinatanggap ng SSS. Kung pasaporte ang i-uupload, siguraduhing nakikita at nababasa ang pangalan, signature at litrato ng miyembro. Dapat ay colored, malinaw, hindi putol at kumpleto ang bilang ng pahina ng mga dokumentong iuupload. Siguruhing JPEG o PDF ang file format at hindi lalagpas sa 2MB ang file size. Walang erasures dapat sa dokumento at ang mga impormasyong ito ay nagtutugma sa inyong inencode sa online application para maiwasang mareject ito.
Walk-in transaction naman o over the counter ang pag-uupdate ng beneficiary, pagpapalit ng marital status mula married to single o widow o separated. Kailangan lamang magpakita ng Birth Certificate ng idadagdag na beneficiary at legal na dokumento mula PSA o Civil Registrar kung magpapalit ng marital status.
Sana ay nakatulong ang mga impormasyong naibigay ko sa iyo, Bea. Muli, pahalagahan natin ang importansya ng maayos na rekords para sa mabilis at magaan na pakikipagtransaksyon sa SSS.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.