Kasalukuyang ipinagbubuntis ni Tricia ang kanilang panganay kaya’t kakaiba ang excitement na nadarama nilang mag-asawa. Simula noong nagtrabaho siya sa isang BPO company, patuloy na hinuhulugan ng employer ang kaniyang kontribusyon sa SSS. Batay sa kaniyang SSS records, mayroon na siyang 96 monthly s contributions.
Samantala, si Minda naman ay tatlong buwan nang buntis at magiging tatlo na ang kaniyang mga anak. Nakarehistro si Minda bilang self-employed sa SSS at wala siyang tigil ng paghuhulog ng kontribusyon. Ngayon, mayroon na siyang 122 months contribution sa SSS.
Voluntary member naman si Maricon at kasalukuyang nagtatrabaho sa gobyerno. Dati kasi siyang encoder sa isang private company at nang lumipat siya sa gobyerno, itinuloy niya ang pagbabayad ng kontribusyon sa SSS kaya’t mayroon na siyang 52 monthly contributions. Dalawang buwan na rin siyang buntis ngayon.
Ilan lamang sila sa libo-libong miyembro ng SSS na maaaring makinabang sa Maternity Benefit sa sandaling sila ay makapanganak. Gayundin, maaari na silang magpasa sa pamamagitan ng online service facilities ng SSS tulad sa My.SSS portal sa SSS website, www.sss.gov.ph at maging sa SSS Mobile App na matatagpuan sa Google Play sa mga Android cellphone users ng kanilang Maternity Notification o MAT-1 Form. Ito ay ang pag-aabiso sa SSS ng kanilang kalagayan na isa sa requirement para sa Maternity Benefit. Gaya nina Tricia, Minda at Maricon ay ginamit nila ang pamamaraang ito na mas simple, madali at mabilis na transaksyon sa SSS. Para magamit ang digital o online service sa SSS, kinakailangan na may sariling My.SSS account ang miyembro. Sa panahon ng pandemya, mas makakabuting manatili sa loob ng tahanan ang mga nagdadalang- tao at gamitin ang online services para na rin sa kanilang kalusugan at kaligtasan.
See other columns:
Matatandaan na mas pinalawig ang Maternity Benefit Program ng SSS base sa Republic Act 11210 o Expanded Maternity Leave Law. Bago ang naturang batas, nakatatanggap ang babaeng miyembro ng maternity benefits sa loob ng 60 araw kung normal delivery o nakunan at 78 araw naman kung caesarian delivery.
Sa bagong probisyon, aabot na sa 105 araw ang maternity benefit, normal delivery man ito o caesarian, samantalang 120 araw naman kung solo parent. Maaari ding ibigay ng miyembro ang pitong araw mula sa 105 araw na maternity leave sa asawa nito bilang paternity leave o sa alternatibong makakatuwang niya sa pag-aalaga ng anak. Sa ganitong sitwasyon, 98 days ang babayaran ng SSS sa nanganak na miyembro.
Samantala, maaari pang humingi ang miyembro ng karagdagang 30-day leave o isang buwang extension sa employer kung hindi sapat ang 105 araw na leave, subalit wala na itong bayad. Kung nauwi naman sa miscarriage o emergency termination ang pagbubuntis, 60 araw naman ang babayaran ng SSS sa miyembro.
Unlimited na rin ang benepisyong ito hindi katulad noon na hanggang apat na pagbubuntis o pagkakunan lamang ang binabayaran ng SSS. Ibig sabihin, kahit ilang beses pa manganak ang miyembro, at pasok sila sa qualifying conditions ay makatatanggap sila ng maternity benefits.
Mahalagang may tatlong buwang hulog sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng panganganak o pagkakunan upang mag-qualify sa maternity benefit. Halimbawa, kung nanganak ang miyembro ng Mayo, ang semestre ng kanyang panganganak ay mula Enero hanggang Hunyo 2020 kung saan hindi ibibilang dito ang kanyang mga kontribusyon sa computation ng kanyang benefit. Upang ma-qualify, kailangang may tatlong buwan siyang hulog mula Enero hanggang Disyembre 2019.
Malaking halaga ang matatanggap ng isang kwalipikadong miyembro sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law. Ang mga nagbabayad ng maximum contribution na may Monthly Salary Credit (MSC) na P20,000 o monthly contribution na P2,400 ay makatatanggap ng P70,000 samantalang P80,000 naman ang matatanggap kung solo parent. Kung ang MSC ng miyembro ay P10,000, makatatanggap siya ng P35,000, samantalang P40,000 naman kung solo parent.
Siguradong mas malaking benepisyo ang matatanggap kung mas mataas ang kontribusyong ibinabayad sa takdang panahon. Ito ang palaging ipinapaalala ng SSS sa mga miyembro nito. Katulad ni Tricia, Minda at Maricon, huwag manghinayang sa inihuhulog na kontribusyon sa SSS at palagi nating isipin na ang bawat hulog natin sa SSS ay isang pag-iipon sa anumang mangyari sa atin habang tayo ay nagtatrabaho o kumikita.
Sa mga darating na panahon, ang SSS ay mananatiling kabalikat ng bawat manggagawang Pilipino sa oras ng kanilang pangangailangan. Happy 63rd Anniversary, SSS!!!
Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph
You might also like: