Kahit nasa kasalukuyang sitwasyon tayo ng pandemya sanhi ng corona virus disease (CoVID-19) at kabi-kabila ang ating mga tinatatatanggap na mga negatibong balita sa kapaligiran, isang napakagandang pangyayari ang naganap kung saan makikita ang pagiging masigasig ng isang Pilipino. Marami sa aking mga kaibigan na nahiwalay sa trabaho dulot ng COVID-19 ay nagtayo ng kanilang mga sariling negosyo. Dahil maganda ang kinalabasan ng kanilang pakikipagsapalaran sa bagong larangang ito, desidido na silang mag-full time at palaguin ito.
Isa rito ang matalik kong kaibigan na si Ruru. Dati siyang Human Resources Officer sa isang malaking hotel dito sa Baguio at gusto na niyang magfull time sa kanyang honeybee business. Si Aubrey naman na isang communication trainor dito sa Baguio ay plano nang talikuran ang trabaho at ituloy ang nasimulang catering services. Nakakatuwang isipin na sa gitna ng pandemya ay naibangon nila ang kanilang mga sarili sa pagkakaroon ng panibagong hanapbuhay at pagkakakitaan. Ang tanong ng dalawa, may kailangan ba silang ayusin sa SSS kung sila’y magne-negosyo?
Dahil dito, talakayin natin ang mahahalagang responsibilidad at mga obligasyon sa SSS ng isang employer.
Batay sa Section 8-c ng RA 11199 o Social Security Act of 2018, ang employer ay “any person, natural or juridical, domestic or foreign, who carries on in the Philippines any trade, business, industry, undertaking or activity of any kind and uses the services of another person who is under his orders as regards the employment, except the Government and any of its political subdivisions, branches or instrumentalities, including corporations owned or controlled by the Government: Provided, That a self-employed person shall be both employee and employer at the same time”. Sa madaling salita, ang employers ay sinumang may tauhan o empleyado na pinasasahod o pinasusuweldo kapalit ang kanilang serbisyo. Upang maiwasan naman ang iba’t-ibang paglabag sa SSS Law, narito ang kanilang mga responsibilidad bilang employer-member ng SSS:
See other columns:
Una, i-rehistro sa SSS ang kanilang kumpanya, negosyo o serbisyo at kumuha ng employer ID Number sa pamamagitan ng pag-fill-out ng Employer Registration Form o SS Form R-1. Pangalawa, obligahin ang magiging empleyado na kumuha ng kanilang Social Security (SS) Number. Pangatlo, i-report sa SSS ang lahat ng kanilang empleyado sa loob ng 30 araw mula sa aktwal na employment date sa pamamagitan ng pagpasa ng SS Form R1-A (Report of New Employees).
Pang-apat, ibawas sa sahod ng kanilang mga empleyado ang buwanang kontribusyon sa SSS at i-remit ito sa SSS branch na nakakasakop sa kanilang kumpanya o sa alinmang SSS-accredited payment facility kasama ang bahagi ng SSS contributions na manggagaling sa kanila bilang employer. Kabilang din dito ang Employees’ Compensation (EC) contribution na solong binabayaran ng employer para sa mga work-related accidents ng kanilang mga empleyado. Sa bagong SS Law, ang employer share ay 8% samantalang ang employee’s share ay 4% na may kabuuang 12% bilang SSS contributions na batay sa Monthly Salary Credit (MSC) ng empleyado.
Panglima, obligasyon ng employer na ibawas sa sahod ng empleyado ang monthly amortization para mabayaran ang mga inutang nito sa SSS. Dapat din nila itong i-remit sa SSS branch na nakakasakop sa kanilang kumpanya o sa alinmang SSS-accredited payment facility. Makikita ng employer ang Member Loan Billing Statement sa kanilang My.SSS account. Kailangan itong i-download para ipasa sa SSS.
Pang-anim, dapat bayaran nang advance ng employer ang sickness at maternity benefits ng kanilang empleyado batay sa naaprubahang notification ng SSS. Ito ang kadalasang nakakaligtaan ng ating employers. Kaya’t nais kong linawin na matapos i-advance ang pagbabayad ng benepisyo, saka lamang ipa-file ng employer ang kanyang reimbursement sa SSS na maaari ng gawin sa pamamagitan ng online. Siguraduhin lamang na nakarehistro ang bank account o ang napiling remittance transfer company/cash payout outlet sa My.SSS account ng employer sa ilalim ng Bank Enrollment Module (BEM).
Panghuli, ipaalam sa SSS ang anumang pagbabago sa kanilang data o records, maging ang pansamantala o tuluyang pagsasara ng kumpanya upang
maiwasan ang mga karampatang multa para dito.
Kung may paksa o mga katanungan tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.
The opinions and suggestions contained in this article are solely of the author and doesn’t necessarily reflect the stance of Baguio Herald Express management and staff.
You might also like: