Ilang linggo na nating pinag-uusapan ang tungkol sa digitalization ng karamihan sa mga proseso at transaksyon sa SSS. Tinalakay na natin sa mga nagdaang column ang tungkol sa My.SSS Portal, Mobile App at Digital Branches na siyang makakatulong para sa mas mabilis, mas madali at mas ligtas na online transactions sa SSS.
Bagamat noong una ay may pag-aalinglangan ang ilan sa mga mga miyembro sa digitalization ng SSS, napapawi naman ang kanilang agam-agam matapos nilang malaman na may mga pasilidad ang SSS na kung saan may taong gagabay sa kanila habang nagtatransact online.
Batid ng SSS na may matinding hamon pa tayong kinakaharap pagdating sa makabagong teknolohiya at pagkakaroon ng maayos na internet connection. May ilang miyembro o pensyonado ang nangangapa pa sa paggamit ng computer o gadgets samantalang hindi lahat ng tahanan ay may internet na siyang kailangan sa pagtransact online.
Kaya naman, minabuti ng SSS na ayusin ang E-Centers sa ating SSS branches. Dinagdagan ang computer workstations para mas maraming miyembro, pensionado at employers ang maka-access ng SSS Website o ang kanilang My.SSS Account. Naka-antabay din dito ang mga empleyado ng SSS na handang tumulong sa mga miyembrong gagamit ng pasilidad.
Sa E-Centers, maaaring mag-generate ng Social Security (SS) Number ang mga hindi pa miyembro ng SSS, gumawa ng kanilang My.SSS account sa SSS Website at mag-enrol ng kanilang disbursement account sa pamamagitan ng DAEM.
Maaari ring mag-file online ng Salary Loan, Calamity Loan, Pension Loan, Maternity Benefit, Sickness Benefit, Unemployment Benefit, Retirement Benefit, Disability Benefit, Funeral Benefit at Death Benefit. Pwede ring i-check ang membership, contribution at losn records at i-generate ng Payment Reference Number (PRN) para sa contribution at loan payments.
Sa E-Center rin dederetso kung may nais itama sa mga impormasyon mo bilang miyembro tulad ng address, foreign address, telephone number, mobile number o e-mail address.
Mas pinaganda na namin ang E-Centers sa SSS branches. Subalit, may ilan sa ating mga kababayan mula sa malalayong mga komunidad ang hindi makabiyahe papunta sa ating SSS branches.
Dahil layunin ng SSS na mas mailapit pa ang digital services nito sa bawat komunidad, nakikipagtulungan ang SSS sa iba’t ibang Local Government Unit (LGU) upang magtalaga ng “E-Center sa Barangay.” Gamit ang computer sets sa barangay hall, magagawa rin ng miyembro at pensionado ang iba’t ibang online transactions. Samantala, sumailalim sa SSS training ang mga barangay staff na inassign sa E-Center upang magabayan nila nang maayos ang kanilang mga ka-barangay.
Nitong Setyembre, umabot na sa 1,283 ang “E-Center sa Barangay” sa buong bansa at halos 100,000 miyembro at pensionado ang nakinabang rito. Dito sa SSS North Luzon 1 Division, mayroong 42 E-Centers. Para malaman kung may SSS E-Center na sa inyong komunidad, bumisita lamang sa inyong barangay hall.
Huwag magatubiling magsadya sa aming mga E-Centers dahil ang mga serbisyo ng SSS ay libre at ligtas kayong makakapagtransact online sa tulong ng SSS branch personnel at barangay staff. Sabihin lamang sa kanila kung ano ang inyong pakay upang matulungan nila kayo.
Kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.